Matagumpay na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang mga sahod ng mga benepisyaryo ng Cash-for-Work (CFW) Program sa Munisipyo ng Tinambac, Camarines Sur mula Agosto 7 hanggang Agosto 9, 2025.
Isa ang CFW sa mga pangunahing programa ng ahensya na layuning magbigay ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyo o kalamidad.
Ang Tinambac ay kabilang sa mga lugar sa Bicol na labis na naapektuhan ng Severe Tropical Storm Pepito, na nagdulot ng matinding pinsala sa mga kabuhayan at kabahayan.
Dahil dito, limitado ang kanilang pagkilos upang makapaghanapbuhay para sa pang-araw-araw na gastusin.
Matapos ang apat na araw ng pagtatrabaho, tumanggap ng PHP 1,660.00 bawat isa ang 3,515 benepisyaryo ng programa. Umabot sa kabuuang PHP 5,834,900.00 ang naipamahagi sa loob ng tatlong araw na payout sa nasabing lugar.
Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad maghatid ng tulong sa mga lugar na tinamaan ng sakuna, ang DSWD Bicol, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, ay patuloy na naghahatid ng tulong at serbisyo upang matiyak ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayang Bicolano na nasalanta ng kalamidad.
Source: DSWD Field Office V