Noong umaga ng Agosto 9, 2025, isang trahedya ang naganap sa Purok 2, Barangay Magogon, Camalig, Albay. Isang bahay ang tuluyang nilamon ng apoy, na nagresulta sa kawalan ng lahat ng ari-arian ng may-ari.
Lumabas lamang ang biktima upang bumili sa tindahan ngunit pagbalik niya ay abo at alaala na lamang ang natira sa kanyang tahanan.

Sa kasalukuyan, pansamantala siyang nanunuluyan sa bahay ng kanyang kapatid habang pinapasan ang bigat ng trahedya.
Bilang agarang tugon, agad na nagtungo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region upang maipaabot ang kanilang tulong at malasakit.
Ipinagkaloob sa biktima ang Family Food Packs, Family Kits, Hygiene Kits, at Sleeping Kits na may kabuuang halagang ₱9,435.64 mula sa Food and Non-Food Items (FNFIs).
Magkakaloob din ang DSWD ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program upang higit pang matulungan ang biktima na makabangon mula sa trahedya.
Patuloy ding iniimbestigahan ng barangay at ng lokal na pamahalaan ang sanhi ng sunog.
Sa pamumuno ni DSWD Bicol Regional Director Norman S. Laurio, patuloy na handang rumesponde at mag-abot ng tulong ang ahensiya, dala ang malasakit at pag-asa para sa bawat pamilyang nawalan ng tahanang nagsilbing kanlungan sa gitna ng hirap ng buhay.
Source: DSWD Field Office V