Bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng habagat at bagyong Crising, nagsagawa ng hauling ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office MIMAROPA ng kabuuang 2,720 Family Food Packs (FFPs) sa bayan ng Mamburao, Occidental Mindoro ngayong Hulyo 24,2025.

Ang mga naturang food packs ay bahagi ng karagdagang tulong ng DSWD sa mga residente ng Occidental Mindoro na labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha at masamang panahon na dulot ng habagat na pinalala ng bagyong Crising.

Bukod dito, namahagi rin ang DSWD Quick Response Team (QRT) ng 79 family food packs sa mga apektadong pamilya at indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa Casoy Elementary School sa Barangay Balansay, Mamburao.

Ayon sa DSWD MIMAROPA, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na maayos, mabilis, at sistematiko ang paghahatid ng tulong sa mga nangangailangang komunidad.

“Hangad ng DSWD na walang maiiwang pamilyang nangangailangan sa gitna ng sakuna. Bawat buhay ay mahalaga, at patuloy naming isinusulong ang mabilisang serbisyo para sa mga apektado,” pahayag ng DSWD Field Office MIMAROPA.

Hinimok din ng ahensya ang publiko na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa kanilang lokal na disaster risk reduction and management offices para sa tamang impormasyon at karampatang tulong.

Source: DSWD MIMAROPA Region

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *