Sa kabila ng nakaambang panganib ng Tropical Depression Crising, agad na tumugon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa ulat ng mga concerned citizens ukol sa kalagayan ng dalawang magkapatid na senior citizen na naninirahan sa isang barong-barong sa Barangay Manoboc, Baleno, Masbate nito lamang Hulyo 19, 2025.

Isa sa mga natukoy ay si Tatay Pio Ortega, 75 taong gulang, na kasalukuyang nangangalaga sa kanyang kapatid na bedridden. Kaagad nagsagawa ng home visit ang DSWD response team upang mag-abot ng ₱5,000 cash assistance at magbigay ng agarang teknikal na tulong.

Sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan, napagkasunduan ang pagpapadala ng medical team upang masuri ang kanilang kalagayan. Sasagutin ng DSWD ang mga kinakailangang medikal na gastusin ng magkapatid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

Bukod dito, nangako rin ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Baleno ng Shelter Assistance upang matulungan ang magkapatid na makalipat sa mas ligtas at maayos na tirahan.

Sa pangunguna ni Regional Director Norman Laurio, patuloy ang DSWD Bicol sa pagbibigay ng mabilis at epektibong serbisyo sa mga higit na nangangailangan, lalo na sa panahon ng kalamidad, alinsunod sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Sa DSWD, bawat buhay ay mahalaga.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *