Isang makulay at masiglang selebrasyon ang isinagawa sa Barangay Tagbakin noong Mayo 31, bilang bahagi ng taunang Tag-Ani Festival, isang pista na nagbibigay-pugay sa kasipagan ng mga magsasaka at sa masaganang ani ng palay, prutas, at gulay sa lugar.

Tampok sa pagdiriwang ang parada ng mga kalabaw na pinalamutian ng makukulay na dekorasyon, kasabay ng mga karitong may disenyo ng iba’t ibang uri ng ani tulad ng palay, mais, gulay, at prutas.

Ang mga kalabaw, bilang katuwang ng mga magsasaka sa pagbubungkal ng lupa ay isinama sa parada bilang simbolo ng sipag at tiyaga sa larangan ng agrikultura.

Bukod sa pagpapakita ng mga ani, ang festival ay isang relihiyosong selebrasyon rin kung saan pinararangalan si San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.

Isinagawa ang mga banal na misa at iba pang gawaing pansimbahan upang ipagpasalamat ang biyayang ani at patuloy na gabay sa kanilang hanapbuhay.

Ang Tag-Ani Festival ay hindi lamang isang pista kundi isang pagpapakita ng pagkakaisa at pagpapahalaga ng komunidad sa kultura, tradisyon, at kabuhayan ng kanilang lugar.

Source: Quezon Province News & Updates FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *