Pinuri ng Malacañang ang pagkakabilang ng Bon Bon Beach sa Romblon sa World’s 50 Best Beaches 2025, kung saan pumwesto ito sa ika-38, at itinuring itong isang “proud moment” para sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang pagkilalang ito ay patunay ng kahanga-hangang likas na ganda ng Pilipinas, partikular na ng Bon Bon Beach na kilala sa mala-postcard nitong sandbar na umaabot sa Bangug Island tuwing low tide.

Pinuri ito ng international reviewers sa malinis nitong tubig at maputing buhangin, na kadalasang wala pang ibang turista—na nagbibigay ng tunay na katahimikan at karanasan sa kalikasan.

Maliban sa Bon Bon Beach, pasok din sa Word’s 50 Best Beaches 2025 ang Entalula Beach sa Palawan. Inilarawan ito bilang “secluded paradise” na may kahanga-hangang limestone cliffs at malinaw na tubig, perpekto para sa snorkeling at tahimik na pagrerelaks.

Dagdag ni Castro, ang pagkakasama ng mga naturang beach ay sumusuporta sa mga layunin ng National Tourism Development Plan 2023–2028 at kampanya ng Department of Tourism na “Love the Philippines,” na nagtutulak sa sustainable at makakalikasan na paglalakbay.

Ang pagkilalang ito ay patunay na kahanga-hanga ang ganda ng Pilipinas at ng ating global standing bilang isa sa mga pinagmamalaking beach destination sa buong mundo.

Source: Romblon News Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *