Matagumpay na isinagawa ang Moriones Festival bilang bahagi sa pagdiriwang ng Semana Santa sa Calapan City, Oriental Mindoro nito lamang ika-17 ng Abril 2025.
Ang mga Morion tuwing Moriones Festival ay sumisimbolo sa mga Romanong sundalo na ayon sa tradisyong Kristiyano, ay siyang mga nagbantay kay Hesus noong panahon ng Kanyang pagpapako sa krus. Ang festival ay ginaganap tuwing Semana Santa sa Marinduque, at isa ito sa pinakakilalang relihiyosong tradisyon sa Pilipinas.
Isa sa mga tampok ng Moriones ay ang dula ukol kay Longinus, isang Romanong sundalo na nabulag ang isang mata at gumaling matapos mapatakan ng dugo ni Hesus. Dahil dito, siya ay naniwala at nagbagong-loob, kaya’t pinatay siya ng kapwa sundalo. Ang kanyang istorya ay simbolo ng pananampalataya, pagbabagong-loob, at sakripisyo.
Bukod sa relihiyosong kahulugan, ang Moriones ay simbolo rin ng kultura at pagkakaisa ng mga mamamayan, lalung-lalo na sa Marinduque.
Noong taong 2023, ang tradisyon ng Moriones ay tinularan din ng lungsod ng Calapan bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng Semana Santa. Sa pangunguna ni Mayor Malou Flores-Morillo, naging layunin ng lungsod na palalimin ang pananampalataya ng mga Calapeño at itampok ang makulay na bahagi ng ating kultura’t kasaysayan sa gitna ng Mahal na Araw.
Source: Tatak Calapeno