Isang makabuluhan at matagumpay na proyekto ang naisakatuparan, ang sama-samang pagtatanim ng 600 na piraso ng mga punla ng Green Tacunan Dwarf Coconut ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na pinangunahan ni Governor Hermilando I. Mandanas kasama ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa Brgy. Imelda, San Juan, Batangas.
nito lamang ika-17 ng Agosto 2024.
Ito ay bahagi ng Coconut Seed Farm Development Program na inisyatibo ng Pamahalaan ng Batangas na nakatuon sa mga aktibidad na may kinalaman sa niyog bilang isang pangunahing industriya na magbibigay ng karagdagang kabuhayan para sa mga residente ng San Juan at mga karatig bayan.
Dinaluhan ni PCA Administrator, Dr. Dexter R. Buted, Batangas Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo M. Bautista Jr., San Juan Mayor Ildebrando D. Salud., Committee on Agriculture Chairperson Board Member Jess De Veyra., PCA Region IV-A Manager Bibiano C. Concibido Jr., PCA Batangas and Cavite Manager Warren De Guzman at San Juan Municipal Agriculturist Felix Leopango.
Kasama rin sa pagtatanim ang ilang mga department heads ng Kapitolyo, mga kinatawan ng Pamahalaang Bayan ng San Juan, at mga miyembro ng samahan at kooperatiba ng mga magsasaka.
Ang proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa pagtatanim ng mga puno ng niyog, kundi sa pagbibigay ng mas matatag na kinabukasan para sa ating mga kababayang Batangueño, ayon kay Governor Mandanas.
Sa kabuuan, target ng proyekto na makapagtanim ng mahigit 4,000 na mga puno ng niyog sa loob ng 10 ektaryang lupain, na inaasahang magdadala ng bagong sigla sa ekonomiya ng Batangas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga Batangueño.
Source : Batangas PIO