Ibinida ng mga Quezonians ang kanilang Lambanog Summit na may temang “Quezon Lambanog: Opportunities, Challenges and Impact to Tourism,” na ginanap sa Quezon Convention Center, Lucena City, nito lamang ika-14 ng Agosto 2024.
Dumalo si Senator Maria Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos at si Governor Doktora Helen Tan bilang panauhing pandangal sa nasabing aktibidad.

Inihayag ni Sen. Marcos na kanyang sinisigurado na may kasangga ang lalawigan ng Quezon sa Senado para sa pagpapayabong ng industriya ng niyog.
Ayon naman kay Governor Tan, patuloy ang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan upang makapagbigay ng sustenableng hanapbuhay para sa bawat Quezonian na magniniyog, at kanyang ibinahagi ang paglalagay na ng selyo at FDA Approved ng bawat Lambanog na mula sa lalawigan, magpapatupad din ng replanting ng mga punong niyog, scholarship program sa mga anak ng mga magniniyog, proyektong pangkalusugan at farm to market road sa pamamagitan ng coco levy fund.

Matatandaang nito lamang Marso 2024 ay hinirang ang lambanog ng Quezon Province bilang ikalawang best spirit sa buong mundo ng kilalang online food and travel guide na TasteAtlas matapos magkamit ng score na 4.4, kung kaya’t ang pangunahing layunin ng pagtitipon ay mas mapaigting pa ang produksyon ng lambanog at makapagbigay ng mga mahahalagang kaalaman at impormasyon, mga solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng industriya ng niyog at lambanog upang mas lalo pa itong mapalakas at mapaunlad.
Source : PIA Quezon