Sa okasyon ng ika-122 anibersaryo ng pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Palawan, ipinakita ang ganda at kasaysayan ng lalawigan sa pamamagitan ng Float Parade Competition na ginanap sa Baragatan sa Palawan Festival 2024 noong Hunyo 14, 2024.

Ang Baragatan Festival ay may temang “Mayamang Sining at Kultura…Kakaibang mga Kaugalian at Tradisyon…Tagisan ng Lakas, Talino at Talento…Natatanging Produktong Palaweño” na nagbigay diin sa mayamang kultura at tradisyon ng Palawan.
Ibinida ng dalawampu’t limang (25) kalahok mula sa iba’t ibang munisipyo at private institutions ang kanilang mga natatanging disenyo sa float parade.

Nagsimula ang parada mula sa Immaculate Conception Cathedral at dumaan sa Rizal Avenue Ext., na naging tampok na atraksyon hanggang sa ika-8:00 ng gabi.
Ipinakita ng bawat float ang ipinagmamalaking produkto at kultura ng kani-kanilang munisipyo gamit ang mga indigenous at biodegradable na materyales.

Mga nagwagi sa kompetisyon, sa LGU Mainland Category, ang munisipyo ng Quezon ang itinanghal na kampeon at nag-uwi ng Php400,000; ang munisipyo ng Taytay ang 1st runner-up na tumanggap ng Php300,000; at ang munisipyo ng Aborlan ang 2nd runner-up na nag-uwi ng Php200,000.
Ang Baragatan sa Palawan Festival 2024 ay may layuning ipalaganap ang mayamang kultura at sining ng Palawan, ipakita ang mga natatanging produkto ng bawat munisipyo gamit ang indigenous at biodegradable na materyales, at palakasin ang pagkakaisa at pakikipagtulungan ng mga komunidad.
Source: PIO Palawan