Pormal nang binuksan ang samu’t saring produkto na tatak Palaweño sa Palawan Souvenir Trade Fair at Private Trade Fair bilang bahagi ng soft opening ng Baragatan sa Palawan Festival 2024 noong ika-7 ng Hunyo 2024.

Ang mga booth sa Barakalan sa Baragatan ay opisyal na binuksan at binasbasan kasunod ng isang banal na misa, na nagmarka sa pagsisimula ng makulay na selebrasyon ng kultura at produkto ng Palawan.

Sa mga booth na ito, tampok ang mga natatanging produktong Palaweño na siguradong kagigiliwan ng mga bisita. Ilan sa mga produkto na makikita at mabibili dito ay iba’t ibang uri ng cashew products, cacao products, pure honey, calamansi juice extract, at banana chips. Ang mga produktong ito ay ipinagmamalaki dahil sa kanilang mataas na kalidad at taglay na lasa na tunay na gawang Palawan.

Hindi lamang pagkain ang bida sa trade fair na ito. Makakakita rin ang mga bisita ng mga woven products, crochet items, pati na rin mga hikaw, kuwintas, bracelet, at iba pang accessories na gawa mula sa indigenous materials. Ang mga produktong ito ay sumasalamin sa masining na kamay ng mga Palaweño na may natatanging disenyong Pinoy.

Bukod pa rito, may mga bags, damit, at sapatos din na ibinibenta—lahat ay may tatak at kalidad ng Palawan. Ang Barakalan sa Baragatan ay hindi lamang isang lugar para sa pamimili kundi isang pagkakataon na rin para sa mga bisita na mas maunawaan at mapahalagahan ang yaman ng kulturang Palaweño.

Ang Baragatan sa Palawan Festival ay isang taunang pagdiriwang na naglalayong ipakita at ipagbunyi ang mayamang kultura, tradisyon, at produkto ng Palawan.

Ang pagdaraos ng mga trade fairs na ito ay nagbibigay daan upang mas makilala ang mga lokal na produkto at mahikayat ang suporta mula sa mga mamimili, hindi lamang mula sa Palawan kundi pati na rin sa mga turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Source: PIO Palawan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *