
Ang Hulugan Falls ay isa sa pinakamataas na talon sa lalawigan ng Laguna na matatagpuan sa munisipalidad ng Luisiana. Ayon sa kasaysayan, ang Hulugan Falls ay naging isang hiyas sa mga lokal hanggang sa naging tanyag ito sa mga social media account tulad ng Facebook, Youtube, at Instagram sa nakalipas na dekada.
Ang Hulugan Falls ay may taas na 235 talampakan o 71 metro ang taas na pinangalanan na Hulugan dahil sa kwento ng mga matatanda na noong unang panahon ay may bumagsak na kalabaw sa naturang falls dahil natangay sa malakas na agos ng tubig.
Ang Hulugan Falls ay isa sa mga pinaka-binibisitang lugar sa lalawigan ng Laguna, sapagkat umaakit ng libu-libong mga turista at sa naiibang ganda at linis ng falls.
Mula sa Metro Manila, tatlong oras lang ang biyahe at maaaring bisitahin sa loob ng isang araw. Dagdag pa nito, ang mga turista at mga bisita ay may pagkakataon na mapuntahan hindi lamang isang talon pati ang dalawa pang malapit na talon na Talay Falls at Hidden Falls.