STA. CRUZ, LAGUNA — Ipinamalas ang galing at sipag ng mga magsasaka sa isinagawang “KabayaNIAn” Agri-Trade Fair Year 3 na pinangunahan ng National Irrigation Administration (NIA) Calabarzon ngayong Abril 27 sa Cultural Center of Laguna.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka hindi lamang sa produksyon kundi maging sa larangan ng agribusiness o agri-negosyo. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga Irrigators Association (IA) na maipakilala at maibenta ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.

Tinatayang 27 Irrigators Association mula sa iba’t ibang lalawigan ng CALABARZON ang nakilahok sa nasabing agri-trade fair. Tampok sa kaganapan ang iba’t ibang produktong agrikultural tulad ng sariwang ani, processed food, at mga lokal na produktong likha ng mga magsasaka mula sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

Ayon sa NIA Calabarzon, mahalaga ang ganitong mga inisyatibo upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka at mahikayat silang pumasok sa mas sustainable at market-driven na agrikultura. Bukod sa pagbebenta ng produkto, nagsisilbi rin itong plataporma para sa networking, kaalaman sa marketing, at pagpapalawak ng oportunidad sa negosyo.

Patuloy namang hinihikayat ng ahensya ang mga magsasaka na yakapin ang agri-negosyo bilang susi sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan at ng sektor ng agrikultura sa rehiyon.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *