MABINI, Batangas — Mahigit 1,600 residente ng bayan ng Mabini ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal at iba pang tulong mula sa pamahalaan sa isinagawang “Capitol on Wheels” caravan noong Abril 13, 2026.
Layunin ng nasabing programa na mailapit sa mga komunidad ang iba’t ibang serbisyo at programa ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan. Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ay libreng konsultasyon, gamot, at iba pang serbisyong pangkalusugan, pati na rin tulong sa iba’t ibang pangangailangan ng mga residente.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, bahagi ang inisyatibong ito ng patuloy na pagsisikap na mapabilis at mapadali ang pag-access ng mga mamamayan sa mga serbisyong pampubliko, lalo na sa mga lugar na malayo sa sentro ng lungsod.
Nauna nang naisagawa ang “Capitol on Wheels” sa mga bayan ng San Juan at Batangas City, kung saan libu-libong residente rin ang nakinabang sa mga serbisyong hatid ng programa.
Patuloy namang paiigtingin ng pamahalaang panlalawigan ang ganitong mga aktibidad upang mas marami pang Batangueño ang maabot at matulungan ng mga serbisyong pangkalusugan at panlipunan.
Source: PIA CALABARZON