PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Pinalawak ng pamahalaan ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!” sa lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng “P20 Rice under Cooperatives,” na naglalayong mas mapalapit ang abot-kayang bigas sa mas maraming mamamayan.

Binuksan ang bagong redemption site sa Barangay Elvita, bayan ng Narra, na pamamahalaan ng Elvita Farmers Multi-Purpose Cooperative (EFMPC) sa ilalim ng gabay ng Food Terminal Incorporated (FTI). Layunin ng programang ito na makinabang ang mga lokal na stakeholder, lalo na ang mga benepisyaryo ng P20/kilo na bigas at mga magsasaka, ayon sa National Food Authority (NFA)-Palawan Branch.

Bilang tugon sa kahilingan ng FTI, naglaan ang NFA Palawan ng kabuuang 300 sako ng bigas noong Abril 15 para sa EFMPC upang matiyak ang sapat na suplay sa nasabing lugar.

Samantala, patuloy ring dinarayo ang redemption site ng “Benteng Bigas” sa Barangay Liwanag, Puerto Princesa City, kung saan mas marami nang bigas ang maaaring mabili ng mga benepisyaryo kada buwan.

Ayon kay Jovena Rayoso, isang senior citizen mula sa Barangay San Miguel, malaking tulong ang pagtaas ng limitasyon sa pagbili ng bigas mula 10 kilo kada buwan noon ay naging 30 kilo na ngayon. Aniya, mas napapadali rin ang proseso ng pagbili basta’t maagang nakapagpapalista sa FTI.

Ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ay inisyatiba ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng FTI, katuwang ang NFA, upang maghatid ng dekalidad at abot-kayang bigas sa publiko, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan, bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na mabawasan ang kagutuman sa bansa.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *