Sinimulan ng New People’s Army (NPA) ang unang yugto ng dalawang-bahaging unilateral holiday ceasefire, ayon sa pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Batay sa pahayag ng CPP na inilathala sa opisyal nitong website, ipatutupad ang Christmas ceasefire mula alas-12:00 ng madaling araw ng Disyembre 25 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Disyembre 26. Isasagawa naman ang ikalawang dalawang-araw na tigil-putukan mula Disyembre 31 hanggang Enero 1, 2026.

Ayon sa CPP, idineklara ang ceasefire bilang pakikiisa sa mga Pilipinong nagdiriwang ng kapaskuhan sa gitna ng mabigat na kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya.

Gayunman, sinabi ng CPP na inatasan pa rin ng Central Committee nito ang mga yunit ng NPA na manatiling nakaalerto, dahil hindi umano tumugon ang pamahalaan sa idineklarang tigil-putukan. Inatasan din ang mga yunit ng NPA na pumasok sa aktibong depensibong posisyon sa harap ng patuloy na operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang CPP-NPA, na mahigit limang dekada nang nagsasagawa ng gerilyang pakikibaka sa kanayunan, ay huling nagdeklara ng unilateral holiday ceasefire noong 2023.

Noong mga nakalipas na taon, kapwa nagdedeklara ng holiday truce ang pamahalaan at ang mga rebeldeng Maoista simula 1986. Gayunman, ang huling pagkakataon na kapwa panig na nagdeklara ng tigil-putukan ay noong 2019. Makalipas ang isang taon, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang ceasefire sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Source: https://news.tv5.com.ph/breaking/read/cpp-npa-starts-unilateral-christmas-ceasefire

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *