Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development Field Office V (DSWD FO V) ang Parangal at Pagkilala sa mga Katuwang ng Proyektong Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished (LAWA at BINHI) kamakailan sa Legazpi City nito lamang Oktubre 5, 2025.
Isa sa mga pinarangalan ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office V (BFAR RO V), sa pangunguna ni Regional Director Ariel U. Pioquinto. Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Director Pioquinto ang taos-pusong pasasalamat sa DSWD V sa pakikipagtulungan at pagkilala sa kontribusyon ng BFAR sa pagsulong ng layunin ng proyekto. Aniya, patuloy ang ahensya sa pagtupad ng mandato nitong mapaunlad at mapatatag ang sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng fingerlings at iba pang tulong pangkabuhayan sa mga mangingisda at komunidad na nangangailangan.
Ang pagtitipon ay naglalayong kilalanin at parangalan ang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan na nagsilbing sandigan sa pagsusulong ng masiglang kabuhayan, seguridad sa pagkain, at katatagan ng mga komunidad sa rehiyon. Dinaluhan ito ng iba’t ibang ahensya at mga katuwang na grupo na nagkaroon ng malaking ambag sa katagumpayan ng nasabing proyekto—isang patunay ng patuloy na kolaborasyon para sa mas matatag, produktibo, at masaganang Rehiyon ng Bikol.
Source: BFAR Bikol