Bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Employees’ Day ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro (PGOM), isinagawa ngayong umaga ang isang mahalagang oryentasyon na pinamagatang “GAD: Family Enrichment and Safe Spaces Act Orientation” sa Bulwagang Panlalawigan ng Kapitolyo nito lamang Oktubre 3, 2025.
Pinangasiwaan ang aktibidad ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) sa pamumuno ni PHRMO Officer Anna Marie DC Reyes, at nilahukan ito ng mga kawani mula sa iba’t ibang departamento ng PGOM. Bahagi ito ng handog ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor upang kilalanin at pasalamatan ang dedikasyon ng mga empleyado sa serbisyo publiko.
Kabilang sa mga tinalakay sa oryentasyon ay ang mas pinalalim na kaalaman ukol sa Republic Act 11313 o mas kilala bilang “Safe Spaces Act” o “Bawal Bastos Law.” Ipinaliwanag ni Atty. Jean Phebie De Mesa, OIC ng PGSO at Chairperson ng Provincial Gender and Development (GAD) Technical Working Group, ang mga uri ng gender-based harassment sa mga pampublikong lugar, mga responsableng ahensya na tumutugon sa mga kaso ng pang-aabuso, at ang mga kaukulang parusa sa sinumang lalabag sa batas.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Angelica S. Eje, Administrative Officer IV ng PHRMO, ang mga pundasyong dapat paigtingin upang mapalakas ang ugnayan sa loob ng pamilya. Kabilang sa mga binigyang-diin ay ang kahalagahan ng mahusay na komunikasyon, paglalaan ng oras para sa isa’t isa, at pagpapanatili ng pagkakaisa at pagmamahalan sa bawat tahanan.
Layunin ng oryentasyong ito na hindi lamang itaas ang kamalayan ng mga empleyado sa mga isyung panlipunan gaya ng sexual harassment, kundi bigyan din sila ng gabay sa pagpapatibay ng kanilang buhay-pamilya, bilang bahagi ng pangkalahatang pag-unlad bilang lingkod-bayan at indibidwal.
Ang pagsasagawa ng ganitong mga aktibidad ay patunay ng malasakit ng pamahalaang panlalawigan sa kapakanan ng mga kawani nito – sa loob man ng opisina o sa loob ng kanilang mga tahanan.
Source: Provincial Information Office – Oriental Mindoro