Mas pinaigting ang modernisasyon ng mga ospital na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan matapos tumanggap ng karagdagang ICT equipment mula sa The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints ang Provincial Government sa ginanap na turn-over ceremony sa Palawan Heritage Center, Capitol Compound noong Setyembre 30, 2025.
Kabilang sa mga ibinigay na kagamitan ang 10 desktop computers, 2 laptops, 11 Starlink units, at 15 network switches na gagamitin sa iba’t ibang ospital sa lalawigan upang mapabilis ang digitalization ng patient records at mapahusay ang paghahatid ng serbisyong medikal.
Personal na pinaunlakan ni Gob. Amy Roa Alvarez sa kanyang tanggapan ang mga kinatawan ng simbahan at ipinaabot ang taos-pusong pasasalamat sa mga donasyon.
“I am very thankful for all the donations, and we appreciate the help you extend to the Provincial Government of Palawan, especially to our hospitals. Right now, the biggest problem that we are facing is that the funding for all the hospitals is not enough, so I truly appreciate all these donations. Thank you,” ani Gob. Alvarez.
Samantala, dumalo sa seremonya sina Stake President Diosdado U. Baniago, Mr. Anthony John Balledos, at Brother Abenir Pajaro, kasama ang mga kinatawan ng pamahalaan na sina Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Querijero-Labrador, Board Member Marivic C. Roxas, at Atty. Mickey Miguel C. Morante para sa paglagda ng Deed of Donation at MOA.
Ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng simbahan at pamahalaan upang mapalawak ang access ng mga Palaweño sa dekalidad at makabagong serbisyong medikal.
Source : PIO Palawan / Palawan News Network