Isa sa pinakamatandang gusali sa bayan ng Taal ang Casa Real o mas kilala ngayon bilang Taal Municipal Hall, na opisyal nang kinilala bilang makasaysayang pamanang gusali ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Ito ay itinayo noong 1845 sa panahon ng kolonyalismong Kastila at nagsilbing sentro ng pamahalaang lokal ang Casa Real. Ang konstruksiyon nito ay pinondohan mula sa mga kita ng simbahan at pinangasiwaan ni Padre Celestino Mayordomo. Hanggang sa kasalukuyan, nananatili itong simbolo ng matatag na pamahalaan at pamayanan ng Taal.

May arkitekturang neoklasikal ang gusali—kilala sa mataas na balkonahe, malalaking bintana, at matibay na haligi. Isa itong patunay ng impluwensiyang Espanyol na nananatili sa bayan, na ngayo’y kilala bilang isang Heritage Town. Noong 1972, nilagyan na ito ng historical marker ng NHCP, at sa muling pagkilala ngayong taon ay higit pang pinagtibay ang kahalagahan nito sa kasaysayan.

Bukod sa Casa Real, makikita rin sa paligid ang Taal Basilica, Escuela Pia, at iba pang lumang bahay na nagbibigay-diin sa yaman ng kasaysayan at kultura ng Taal. Sa harapan ng munisipyo ay nakatayo ang mga monumento nina Dr. Jose Rizal, Apolinario Mabini, at Marcela Agoncillo, na lalo pang nagpapatibay sa bayan bilang mahalagang sentro ng pambansang identidad.

Ayon sa mga opisyal, inaasahang mas marami pang turista at mananaliksik ang bibisita sa bayan, hindi lamang upang makita ang mga makasaysayang gusali kundi upang masdan din ang buhay at pamumuhay ng mga Taaleño.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *