Matagumpay na naisagawa ang Livelihood Training on Food Processing na inorganisa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), sa pangunguna ni MSWD Officer Levie Fajilan, para sa mga kasapi ng Calatrava KALIPI Organization— isang grupo ng mga kababaihang aktibong kalahok sa mga programang pangkaunlaran ng bayan. Isinagawa ang aktibidad sa Calatrava Covered Court noong Setyembre 23, 2025.

Sa isinagawang pagsasanay, tinuruan ang mga kalahok ng mga praktikal at kapaki-pakinabang na kaalaman sa paggawa ng peanut butter, atsara, at banana chips. Ang mga ito ay maaaring maging simula ng maliit na negosyo o dagdag-kita para sa kanilang pamilya. Isa itong konkretong hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas matatag na kabuhayan, lalo na para sa mga kababaihang naghahangad ng alternatibong pinagkakakitaan.

Ayon kay MSWD Officer Fajilan, layunin ng programa na “maitaas ang antas ng kabuhayan at kasanayan ng mga kababaihan sa Calatrava, upang mas mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagtataguyod ng sariling pamilya at komunidad.”

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng Pamahalaang Lokal ng Calatrava sa ilalim ng liderato ni Mayor Bong Fabella, na nagsusulong ng women empowerment, self-sufficiency, at sustainable livelihood bilang mga pangunahing direksyon para sa inclusive development sa bayan.

Sa pagtatapos ng training, nagpaabot ng pasasalamat ang mga kalahok sa pamahalaang lokal at MSWDO sa pagbibigay ng ganitong uri ng programa na tunay na makabuluhan at may konkretong epekto sa kanilang araw-araw na buhay.

Source: Calatrava Romblon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *