Matatagpuan sa pagitan ng Angono at Binangonan sa probinsya ng Rizal ang Angono-Binangonan Petroglyphs, na kinikilalang pinakamatandang rock art sa Pilipinas.

Tinatayang mahigit 4,000 taon na ang mga petroglipong ito, na naglalaman ng mahigit 120 ukit na pigura ng tao at hayop sa ibabaw ng mga batong apog.

Natuklasan ang mga sinaunang ukit noong 1965 ni National Artist Carlos “Botong” Francisco, isang tanyag na pintor mula sa Angono.

Simula noon, naging mahalagang bahagi ito ng ating pambansang pamana at idineklarang National Cultural Treasure ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, makikita ang mga petroglipo sa loob ng Angono-Binangonan Petroglyphs Site and Museum, na pinamamahalaan ng National Museum.

Bahagi rin nito ang Riverpark, isang lugar na dinarayo ng mga bisita at turista para sa piknik, nature walk, at pagninilay habang tanaw ang kasaysayan ng ating mga ninuno.

Hindi lamang simpleng guhit sa bato ang makikita rito, kundi mga bakas ng kabihasnang pre-historic na nagpapakita ng pananampalataya, pamumuhay, at malikhaing kaisipan ng mga sinaunang Pilipino.

Patuloy namang isinusulong ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang organisasyon ang pangangalaga sa lugar upang mapanatili ang natatanging pamana ng kasaysayan at kultura ng Rizal, at upang maipasa ito sa susunod na henerasyon.

Ang Angono-Binangonan Petroglyphs ay nananatiling buhay na patunay na ang ating mga ninuno ay mayaman sa sining at kultura, bago pa man dumating ang mga mananakop sa ating bayan.

Source: FOUR ARTS & MORE FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *