Isinagawa ngayong ika-22 ng Agosto 2025 sa Calapan City Convention Center ang Mindoro Environmental Summit 2025, isang mahalagang pagtitipon na layuning tugunan ang mga umiiral na isyung pangkalikasan sa lalawigan at maglatag ng mga konkretong solusyon para sa pangangalaga at pagpapanumbalik ng kalikasan.

Dinaluhan ng mga pangunahing personalidad sa larangan ng pamahalaan at kapaligiran. Tampok sa nasabing summit ang talakayan ukol sa mga problemang kinakaharap ng lalawigan gaya ng deforestation, solid waste management, pagbabago ng klima, at pangangalaga sa yamang-tubig at kagubatan.

Kabilang sa mga dumalo at nakiisa sa nasabing inisyatiba sina Arnan Panaligan, 1st District Congressman at Alfonso ‘PA’ Umali, 2nd District Congressman na kapwa nagpahayag ng kanilang suporta sa mga hakbangin upang maprotektahan ang likas na yaman ng Mindoro. Naroon din ang buong 10th Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Bim Ignacio, kasama ang mga konsehal, gayundin si City Mayor Doy Leachon na nagpahayag ng kanyang pangako sa mas pinaigting na lokal na polisiya ukol sa kalikasan.

Layunin ng pagtitipong ito na hindi lamang magbahagi ng impormasyon, kundi magsilbing daan upang mapagtibay ang kolaborasyon ng iba’t ibang sektor—mula sa pamahalaan, pribadong sektor, NGOs, at mga mamamayan—para sa isang mas berde at mas matatag na hinaharap para sa Mindoro.

Ilan sa mga inisyatibang tinalakay ay ang pagpapalakas ng kampanya kontra illegal logging, pagpapaigting ng segregated waste collection sa barangay level, at pagpapaunlad ng renewable energy projects sa rehiyon.

Sa pagtatapos ng summit, pinagtibay ng mga kalahok ang kanilang pangako sa isang mas malinis, ligtas, at napapanatiling kapaligiran para sa susunod na henerasyon ng mga Mindoreño.

Source: Sangguniang Panlunsod Information Office – Calapan City

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *