Sa pagdaraos ngayong taon ng Tig-Aw Festival, itinampok ang de-kalidad na tilapia ng Tigaon matapos kumita ang Tigaon Inland Fisherfolk Association (TIFA) ng humigit-kumulang Php 50,000 mula sa sariwang huli at mga value-added products sa apat na araw na pagdiriwang, katuwang ang Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program.

Sa Tilapia Harvest Festival noong Agosto 10, ibinida ng TIFA ang 200 kilo ng sariwang tilapia na naibenta sa halagang Php 160 bawat kilo, na kumita ng Php 32,000 sa loob lamang ng dalawang araw.

Bukod dito, nag-alok din sila ng libreng tikim ng mga produktong mula sa tulong ng SAAD gaya ng fish nuggets, fish lumpia, fish balls, at fish turon, na umani ng papuri mula sa mga bisita dahil sa masarap na lasa at kalidad ng mga produkto.

Upang ipakita ang iba’t ibang paraan ng pagluluto ng tilapia, nagsagawa ang TIFA ng boodle fight para sa mahigit 100 bisita na may putaheng sinanglay, inasal, pinasingawan at pritong tilapia, kasabay ng mga sariwang gulay.

Nakibahagi rin ang samahan sa Agri-Tourism Booth competition kung saan ipinakita nila ang iba’t ibang produktong agrikultura at pangisdaan.

Naging posible ang kaganapan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, BFAR 5 at SAAD Program, na patuloy na nagbibigay ng kabuhayan at oportunidad para sa mga mangingisda.

Higit pa sa kasayahan, mas lalo nitong pinatatag ang reputasyon ng Tigaon bilang tahanan ng de-kalidad na tilapia sa Partido area at kalapit na mga lugar.

Source: BFAR SAAD Bicol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *