Personal na iniabot ni Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ang Php10 milyon sa pamunuan ng Police Regional Office 5 para sa pagbuwag sa kilalang Concepcion Criminal Group sa Rehiyon ng Bikol.

Matatandaang napatay ng mga operatiba ng pulisya sina Gilbert Saysay Concepcion na kilala rin bilang “Bert” o “Pogi,” ang lider ng Concepcion Criminal Group, at Laeco Josie Quite Saysay, na kilala rin bilang “Lay,” miyembro ng grupo, sa isang armadong engkwentro sa Barangay San Martin De Porres, Parañaque City noong Enero 24.

Ayon kay Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, malaking bagay umano ang pagkakabuwag ng Concepcion Gang dahil matagal nang sangkot ang nasabing grupo sa iba’t ibang gawaing kriminal, kabilang ang mga pagpatay, pangingikil, at ilegal na kalakalan ng armas. Kaya naman nauna nang nangako si Ako Bicol Party-list Representative Co na magbibigay nga siya ng Php10 milyon mula sa kanyang bulsa para mahuli ang mga kriminal at teroristang grupo.

Ang natanggap na pabuya ng PNP Bikol ay bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga pulis na handang ialay ang kanilang buhay para lamang siguraduhin ang kaligtasan ng taumbayan. Ang katapangan at sakripisyo ng ating kapulisan, na humaharap sa mga panganib para protektahan ang komunidad, ay lubos na kahangahanga at pinapahalagahan ng ating gobyerno. Ito rin ay nangangahulugan ng mas malawak na paghahanap para sa kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.

Source: www.pna.gov.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *