Sa layuning mapanatiling ligtas ang mga paaralan at mapangalagaan ang kinabukasan ng kabataang Bicolano, patuloy na pinagtitibay ng Police Regional Office 5 ang pakikipagtulungan sa mga institusyong pang-edukasyon sa pamamagitan ng mga safety drill at iba pang hakbang na naglalayong palakasin ang kahandaan sa oras ng emerhensiya.

Bahagi ito ng PNP Focused Agenda na naglalayong palakasin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng maagap na paghahanda, koordinasyon, at sama-samang pagkilos ng pulisya, mga awtoridad ng paaralan, at komunidad. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, nahahasa ang kaalaman ng mga guro at kawani sa mga wastong hakbang na dapat isagawa upang makatugon nang maayos at napapanahon sa mga posibleng banta o insidente.

Kaakibat nito ang Project Alagang KA-SU-ROG, na isinusulong ang diwa ng pakikipag-ugnayan sa mga paaralan. Ipinakikita ng kapulisan na ang pangangalaga sa kabataan ay hindi lamang tungkulin ng mga magulang at guro, kundi isang pananagutang pinaghahatian ng buong komunidad.

Higit sa pagsasagawa ng mga pagsasanay, mahalaga rin ang pagiging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon. Hinihikayat ang publiko na tiyaking wasto at beripikado ang mga impormasyong ipinapakalat at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi kumpirmadong ulat na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang takot at pangamba sa mga mag-aaral, magulang, at kawani ng paaralan.

Sa pamumuno ni PBGEN Randy Glenn G Silvio, Regional Director, Police Regional Office 5, patuloy na isinusulong ang serbisyong nakatuon sa proteksiyon ng mamamayan, lalo na ng mga kabataang nangangailangan ng ligtas na kapaligiran upang matuto, mangarap, at umunlad.

Ang ligtas na paaralan ay pundasyon ng matatag na kinabukasan. Sa pagkakaisa ng kapulisan, mga paaralan, magulang, at komunidad, mas napagtitibay ang kahandaan, napangangalagaan ang kabataan, at naitataguyod ang isang kapaligirang ligtas para sa bawat mag-aaral. Ito ang diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas—Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.

Source: PRO 5

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *