Nakipagkasundo ang Pag-IBIG Fund at ACE Medical Center Palawan upang matulungan ang mga miyembro na matustusan ang kanilang gastusin sa pagpapagamot sa pamamagitan ng Health and Education Loan Programs (HELPs), kasama ang 12 porsiyentong diskuwento sa ilang serbisyong medikal para sa mga naka-confine na pasyente.
Pormal na nilagdaan ang memorandum of agreement ng dalawang institusyon noong Oktubre 21, kung saan ang ACE Medical Center Palawan ang kauna-unahang partner hospital ng Pag-IBIG Fund sa lalawigan sa ilalim ng nasabing programa. Direktang ipapadala sa ospital ang loan proceeds upang matiyak ang pagbabayad sa mga serbisyong ipinagkaloob sa mga miyembro.
Saklaw ng diskuwento ang mga laboratory at radiology procedure, kabilang ang X-ray, ultrasound at CT scan, gayundin ang ECG, 2D echo at room rates. Upang makapag-apply, kailangang aktibong miyembro ang aplikante na may hindi bababa sa 12 buwang kabuuang membership savings, kasama ang mga kinakailangang dokumento.
Layunin ng partnership na mapagaan ang pinansiyal na pasanin ng mga Palaweño sa panahon ng pagkakasakit at mapalawak ang access nila sa serbisyong pangkalusugan.
Source: PIA MIMAROPA