Pinaigting ng pamahalaang lungsod ng Biñan ang paghahatid ng wasto, napapanahon, at maaasahang impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “Strengthening Government Communication” training workshop noong Oktubre 15 sa Biñan People’s Center.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga miyembro ng City Information Network (CIN), na itinatag ng City Information Office (CIO) sa pangunguna ni Acting CIO Head Roman Carencia. Kabilang sa mga kalahok ang mga kawani mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang lungsod.

Binigyang-diin ni City Councilor Christopher Alba, tagapangulo ng Committee on Public Information, Mass Communication, and Technology, ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay upang mapahusay ang paghahatid ng makabuluhang impormasyon sa mga mamamayan. Nagpahayag din ng suporta sa programa sina City Administrator Cherry Alonte Nuñez at City Councilor Titus Bautista.
Nagsilbing tagapagsalita sina Philippine Information Agency (PIA) CALABARZON Information Officer II Maine Odong-Pangan, na tumalakay sa Effective Captioning and Basic News Writing, at Joshua Cambel, na nagturo ng Mobile Photography and Videography with Basic Editing Skills.

Sa pamumuno ni Biñan City Mayor Angelo Alonte, layunin ng aktibidad na mapaunlad ang kakayahan ng mga kawani sa pagsulat ng balita, pagkuha at pag-edit ng mga larawan at video, at paglikha ng epektibong online content upang higit na mapalawak ang access ng mga Biñanense sa impormasyon tungkol sa mga programa, serbisyo, at inisyatibo ng lokal na pamahalaan.
Source: PIA CALABARZON