Natukoy na ang pagkakakilanlan ng 60 sa mga nasawi sa sunog sa barkong MV June Aster sa Coron, Palawan, habang nagpapatuloy ang proseso ng pagkilala sa 11 iba pa.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nakipag-ugnayan na ang Emergency Operations Center (EOC) sa Coron sa mga pamilya ng 60 nasawi upang asikasuhin ang pagkilala at pagkuha sa mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.

Dalawang claimant na rin ang personal na nagtungo sa EOC upang iproseso ang mga kinakailangang dokumento, bagama’t wala pang pormal na nakakakuha sa mga labi ng mga nasawi.

Upang mapabilis ang pagtulong sa mga naulilang pamilya, nagtatag ang lokal na pamahalaan ng Coron ng one-stop shop assistance desk sa EOC para sa pagproseso ng pagpapalabas ng mga labi. Bukas ang tanggapan mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog, kabilang ang naiulat na presensya ng isang electric vehicle sa cargo hold ng barko nang mangyari ang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *