Binigyang-diin ng Department of Science and Technology (DOST)-MIMAROPA ang pangangailangang palakasin ang ugnayan sa industriya upang maisalin sa mga praktikal na solusyon ang mga inobasyon at teknolohiyang bunga ng pananaliksik.

Ayon kay DOST-MIMAROPA Regional Director Bernardo N. Sepeda, hindi dapat manatili sa mga publikasyon at pananaliksik ang mga kaalamang siyentipiko, kundi dapat maramdaman at mapakinabangan ng publiko. Kabilang sa mga hamon ang kakulangan ng mga manufacturer na makagagawa ng mga produkto sa mas malaking antas at mga mamimiling tutulong upang maipasok ang mga ito sa merkado.

Isa sa mga sektor na maaaring makinabang sa mga inobasyong ito ang agrikultura, partikular sa pagbuo ng mga solusyong makatutulong sa mga magsasakang mapataas ang ani nang hindi lubhang nadaragdagan ang gastos sa produksyon.

Binigyang-diin din ni Sepeda na mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, mananaliksik, negosyo at komunidad upang mapaunlad, mapalawak at magamit ang mga teknolohiya ayon sa pangangailangan ng publiko.

“Hindi lang DOST ang may kakayahan. Lahat tayo may kakayahan kapag nagtutulungan,” ani Sepeda, na nanawagan ng sama-samang pagkilos upang maisakatuparan ang mga inobasyong magdudulot ng konkretong pakinabang sa mga komunidad sa MIMAROPA at iba pang bahagi ng katimugang Luzon.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *