Inaasahang mapalalawak ang access sa malinis at sapat na suplay ng tubig ng 17 hanggang 19 na upland barangay sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque, sa pamamagitan ng planong water supply project na nagkakahalaga ng mahigit ₱300 milyon.

Pinangunahan nina Governor Melecio Go at Congressman Reynaldo Salvacion ang inspeksyon sa lugar na pagtatayuan ng proyekto ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa Barangay Makulapnit. Batay sa plano, kukunin ang tubig mula sa Makulapnit River at ibobomba patungo sa water treatment at filtration system na itatayo sa mas mataas na bahagi ng barangay upang matiyak ang wastong pagproseso ng tubig bago ito maipamahagi sa mga komunidad.

Target na simulan ang konstruksyon sa ikaapat na quarter ng 2026. Nakibahagi rin sa inspeksyon ang kinatawan ng Marinduque Water District na inaasahang makikipagtulungan sa pagpaplano at pagpapatupad ng proyekto. Kapag naisakatuparan, inaasahang mapabubuti nito ang suplay ng malinis na tubig at matutugunan ang pangangailangan ng mga residente sa mga upland barangay ng Santa Cruz.
Source: PIA MIMAROPA