Hinikayat ng City Government of Puerto Princesa (CGPP) ang mga residente na huwag mag-panic o mag-hoard ng tubig bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño.
Ayon kay City Information Officer Lawyer Glaiza Kaye Vicente-Moncatar, pinalalakas ng pamahalaang lungsod ang information campaign upang gabayan ang publiko sa tamang paghahanda at maiwasan ang hindi kinakailangang pag-iimbak ng tubig at iba pang pangunahing pangangailangan. Aniya, mahalagang maging handa ang publiko nang hindi nakokompromiso ang pangangailangan ng ibang mamamayan.
Samantala, tiniyak ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na ligtas inumin at pasado sa Philippine National Standards for Drinking Water ang kanilang suplay. Ayon kay General Manager Walter Laurel, hindi kailangang mag-hoard ng tubig dahil may sapat na suplay mula sa deep wells kahit walang ulan hanggang Hunyo. Batay naman sa PAGASA forecast, inaasahan ang tuyong kondisyon sa Nobyembre, dry spell sa Disyembre at Enero, at posibleng meteorological drought pagsapit ng Pebrero 2027.
Source: PIA MIMAROPA