Arestado ang isang regional-level most wanted person sa isinagawang joint manhunt operation sa Barangay Zone 4, Socorro, Oriental Mindoro nitong Lunes, October 5.

Naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Socorro Municipal Police Station, katuwang ang Oriental Mindoro Police Provincial Office Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit 4B–Provincial Intelligence and Investigation Team, Regional Intelligence Division MIMAROPA, 404th Regional Mobile Force Battalion, 1st Provincial Mobile Force Company, at Calapan City Police Station. Ipinatupad ng mga operatiba ang warrant of arrest na inilabas ng Family Court, Fourth Judicial Region, Branch 11 sa Calapan City noong Nobyembre 14, 2024, kaugnay ng kasong rape sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 1 ng Revised Penal Code. Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso.

Nasa kustodiya na ng Socorro police ang naarestong indibidwal para sa kaukulang dokumentasyon at isasailalim sa proseso ng korte na nagpalabas ng warrant. Ayon kay Oriental Mindoro Police Provincial Director Col. Efraim A. Camara, ipinakita ng matagumpay na operasyon ang kahalagahan ng intelligence-driven operations at maayos na koordinasyon ng mga police unit sa pagtunton sa mga wanted person. Patuloy naman ang Oriental Mindoro Police sa pagsasagawa ng mga legal at koordinadong operasyon upang ipatupad ang mga natitirang warrant of arrest at mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan.

Source: PIA Oriental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *