Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang Information, Education and Communication (IEC) campaign upang matulungan ang mga magsasaka na makapaghanda sa posibleng epekto ng El Niño at maiwasan ang pagkalugi sa pananim at kita. Nagsagawa na ang ahensya ng mga information activity simula Hulyo sa Palawan, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, at Marinduque, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at farmers’ organizations.
Ayon kay DA MIMAROPA Development Management Officer V Engr. Maria Teresa B. Carido, kabilang sa kampanya ang mga programa sa radyo at community training hinggil sa early warning systems upang gabayan ang mga magsasaka kung kailan at ano ang angkop na itanim batay sa kondisyon ng panahon. “Mas importante na ang farmers natin ay mayroon sapat na information para maiwasan ang kanilang pagkalugi dahil sa El Niño,” ani Carido.
Samantala, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paghahanda para sa El Niño task force upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura. Hinimok din ang mga magsasaka na magtanim ng mga pananim na angkop sa panahon, kabilang ang drought-resistant crops, habang isinusulong ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng mga irigadong sakahan upang makatulong sa epekto ng tagtuyot at climate change.
Source: PIA MIMAROPA