Matagumpay na inilunsad ng Occidental Mindoro Police Provincial Office sa pangunguna ni PCOL Ali Jose A. Duterte, Provincial Director, ang Project GABAY at Project AKAY noong Setyembre 26, 2026, sa OMPPO Covered Court, Camp Winston S. Ebersole, San Roque, San Jose, Occidental Mindoro.
Layunin ng Project AKAY na gabayan at ihanda ang mga kabataang nagnanais maging bahagi ng Philippine National Police (PNP), habang ang Project GABAY ay nakatuon sa pagtulong sa mga kabataang nakararanas o nasasangkot sa bullying sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan ng pulisya, paaralan, at komunidad.
Dinaluhan ito ng mga tauhan ng Occidental Mindoro PPO, mga focal person ng dalawang proyekto, at humigit-kumulang 200 kabataan mula sa Rizal at San Jose, kabilang ang mga miyembro ng KKDAT.
Tampok din ang mga talakayan tungkol sa Nihilistic Violent Extremism (NVE) at Mental Wellness.
Binigyang-diin ni PCOL Duterte ang mahalagang papel ng PNP sa pagprotekta at paggabay sa kabataan tungo sa mas ligtas na kinabukasan at pagiging responsable at makabatas na mamamayan.