Muling nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga residente ng Palawan na nais magtrabaho sa ibang bansa na gumamit lamang ng legal at awtorisadong recruitment channels upang maiwasan ang pagkakadetine at iba pang problemang maaaring kaharapin ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ang panawagan ay kasunod ng ulat hinggil sa ilang OFWs mula sa Palawan na nakulong sa Kota Kinabalu, Malaysia matapos umanong umalis ng bansa sa pamamagitan ng ilegal na paraan. Ayon kay DMW MIMAROPA Regional Director Carlo B. Villaflores, nakipagpulong siya kamakailan sa mga pamilya ng ilang OFWs mula sa Palawan na humingi ng tulong sa ahensya upang matulungan ang kanilang mga kaanak na makalaya sa kulungan at makauwi sa kanilang lalawigan.

“Galing ako sa Palawan. Kinausap ko ang mga kamag-anak ng mga OFW natin na nakulong sa Kota Kinabalu kasi nagpapatulong sila kung ano ang puwede nating gawin para matulungan ang mga kamag-anak nilang makalabas sa kulungan at maiuwi sa Palawan,” pahayag ni Villaflores sa programang Arangkada MIMAROPA noong Hulyo 29.

Binigyang-diin ng DMW MIMAROPA na mahalagang dumaan sa tamang proseso at makipag-ugnayan lamang sa mga lehitimong recruitment agency at awtorisadong tanggapan ng pamahalaan ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Sa pamamagitan nito, mas mapoprotektahan ang mga aplikante laban sa illegal recruitment, human trafficking, at iba pang panganib na maaaring magbanta sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *