ODIONGAN, Romblon (PIA) — Buong suporta ang ipinahayag ni Romblon Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic sa panukalang ibalik sa Department of Health (DOH) ang pamamahala sa Romblon Provincial Hospital (RPH) upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, sinabi ni Fabic na makatutulong ang renationalization ng RPH upang mailaan ng pamahalaang panlalawigan ang mas maraming pondo sa pag-upgrade ng iba pang district hospitals at pagpapalawak ng mga programang pangkalusugan.

Ayon sa gobernador, halos kalahati ng taunang badyet ng lalawigan ay napupunta sa operasyon ng walong pampublikong ospital, habang nasa ₱235 milyon o 15 porsiyento ng 2026 budget ng probinsya ang inilalaan sa RPH.

Inaasahang makatutulong din ang panukala sa pagkuha ng mga medical specialist, pagdagdag ng pondo para sa imprastraktura at kagamitang medikal, pagtatatag ng Intensive Care Unit (ICU), at pag-upgrade ng RPH bilang Level 2 Hospital. Makikinabang din umano ang mga indigent patient sa DOH Zero Balance Billing Policy at mas mapapadali ang referral ng mga pasyenteng nangangailangan ng specialized treatment.

Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill No. 2061 na naglalayong ibalik sa DOH ang pamamahala sa RPH.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *