Naghanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office IV-A ng mahigit 200,000 relief goods bilang bahagi ng pagtugon sa posibleng epekto ng Bagyong Inday at Habagat sa rehiyon ng CALABARZON.
Batay sa datos ng DSWD noong Hulyo 10, may kabuuang 228,267 family food packs, 12,396 ready-to-eat food packs, at 11,125 non-food items na naka-preposition sa 81 bodega sa buong rehiyon. Ayon sa ahensya, nakahanda ang mga ito para sa agarang augmentation sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.

Bilang bahagi ng paghahanda, may nakalaan ding 8,083 family food packs sa Polillo, Quezon upang matiyak ang tuloy-tuloy na distribusyon ng ayuda kahit magkaroon ng masamang kondisyon sa dagat. Mayroon ding mga lokal na bodega sa Tanza, Cavite at Real, Quezon, bukod sa mga pangunahing bodega ng DSWD sa General Mariano Alvarez (GMA) at DasmariƱas City, Cavite.
Nag-preposition din ang DSWD ng mga ready-to-eat food packs sa mga pantalan ng Lucena City at Batangas City para sa mga pasaherong maaaring ma-stranded dulot ng sama ng panahon.
Patuloy namang mino-monitor ng DSWD Field Office IV-A, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ang sitwasyon sa buong CALABARZON upang matiyak ang maagap na paghahatid ng tulong at mabilis na pagtugon sa mga pamilyang maaapektuhan ng Bagyong Inday at Habagat.
Source: PIA CALABARZON