Patuloy na pinalalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapatupad ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) upang higit pang mapalapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino at matiyak ang mas malawak at dekalidad na pangangalagang medikal.

Sa isinagawang Kapihan sa PIA Quezon noong Hulyo 8, iniulat ng PhilHealth na batay sa kanilang datos hanggang Hunyo 2026, umabot na sa mahigit 10 milyong miyembro ang population coverage ng ahensya, katumbas ng 96 porsiyento ng target na populasyon. Nasa mahigit ₱17.5 bilyon naman ang kabuuang halaga ng benefit payments na naipamahagi sa mga benepisyaryo.

Ibinahagi rin ng PhilHealth na nagpapatuloy ang kanilang kampanya para sa accreditation ng mga YAKAP providers sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, at Quezon. Sa kasalukuyan, mayroon nang 303 accredited providers sa tatlong lalawigan na nagsisilbing katuwang ng ahensya sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan.

Kasabay nito, hinikayat ng PhilHealth ang publiko na magparehistro at makiisa sa YAKAP Program upang mapakinabangan ang mga serbisyong pangkalusugan at makatulong sa layunin ng pamahalaan na mapanatiling malusog at mailayo sa sakit ang bawat Pilipino.

Ang Kapihan sa PIA Quezon ay regular na isinasagawa sa Pacific Mall sa Lucena City bilang plataporma para maipabatid sa publiko ang mahahalagang programa at serbisyo ng pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *