BATANGAS CITY — Nagbigay ng inspirasyon ang kwento ni Javed Gage Felipe Magsino, isang siyam na taong gulang na batang mula sa San Juan, Batangas, matapos tumugon ang Department of Science and Technology (DOST)-Batangas sa liham na ibinahagi online ng kanyang ina tungkol sa kanyang matinding hilig sa agham, teknolohiya, at pag-imbento.
Sa pagbisita ni Javed sa DOST-Batangas, ibinahagi niya ang kanyang kaalaman sa computer programming, artificial intelligence, space science, at iba pang konseptong pang-agham. Bilang suporta sa kanyang pangarap na maging imbentor, programmer, astronaut, o chemist, ipinakilala sa kanya ng ahensya ang iba’t ibang programa tulad ng STARBOOKS, JuanaKnow, at Programming for 3D Printing.
Dinala rin si Javed sa Regional Volumetric Calibration Laboratory, STEER Hub ng Batangas State University, at Philippine Science High School CALABARZON Region Campus upang mas mapalawak ang kanyang kaalaman at karanasan sa larangan ng agham at teknolohiya. Ayon sa DOST-Batangas, bahagi ito ng kanilang layunin na hubugin at suportahan ang mga kabataang may potensyal na maging susunod na henerasyon ng mga siyentipiko at innovator ng bansa.
Source: PIA CALABARZON