Bumaba ng halos kalahati ang bilang ng mga mag-aaral na nakararanas ng malnutrisyon sa Occidental Mindoro matapos ipatupad ng Department of Education (DepEd) ang School-Based Feeding Program (SBFP) noong 2025.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ng masustansyang food packs at hot meals ang mga benepisyaryong mag-aaral mula Kindergarten, Grade 1, at mga “wasted” na mag-aaral sa mas mataas na baitang upang mapabuti ang kanilang kalusugan at mahikayat silang magpatuloy sa pag-aaral. Para sa School Year 2026–2027, aabot sa 36,272 na mag-aaral sa lalawigan ang makikinabang sa programa.
Nakipagtulungan din ang DepEd sa lokal na pamahalaan ng Magsaysay sa pagtatayo ng isang Central Kitchen na magsisilbi sa anim na paaralan at mahigit 800 benepisyaryo. Inaasahan ding magsisilbi itong modelo para sa pagtatayo ng iba pang central o school kitchens sa buong Occidental Mindoro.
Source: PIA MIMAROPA