Hinikayat ng National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA ang mga komunidad na pangalagaan ang kalikasan at palawakin ang mga food garden bilang bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo na may temang “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”
Ayon kay NNC MIMAROPA Nutrition Officer III Keren Faye Gaya, ang sapat at masustansyang pagkain ay nagsisimula sa isang malusog na kapaligiran. Aniya, mahalagang isulong ang pagtatanim ng gulay sa mga tahanan at komunidad at turuan ang mga bata ng tamang pagkain upang makatulong sa paglaban sa malnutrisyon at food insecurity.
Binigyang-diin din ni Gaya na ang pagsusulong ng wastong nutrisyon ay hindi lamang tuwing Nutrition Month kundi isang tuloy-tuloy na programa sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang mas malusog na kinabukasan ng mga batang MIMAROPA.
Source: PIA MIMAROPA