Inilunsad kamakailan ng Commission on Population and Development (CPD) MIMAROPA ang programang KaTropa MIMAROPA upang hikayatin ang mas aktibong pakikilahok ng mga kalalakihan sa pagtataguyod ng matatag, mapayapa, at maayos na planadong pamilya at komunidad sa rehiyon.
Isinagawa ang online na paglulunsad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Father’s Day, kung saan lumahok ang mga lalaking empleyado mula sa mga kasaping ahensya ng Regional Population and Development Coordinating Committee (RPDCC) bilang mga unang kalahok sa adbokasiya.
Ang KaTropa, o Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya, ay isang programa ng CPD na nagsusulong ng responsableng pagiging ama, pantay na pananagutan sa pagpapalaki ng mga anak, kapakanan ng pamilya, pagkakapantay-pantay ng kasarian, reproductive health, family planning, at pag-iwas sa karahasan laban sa kababaihan at mga bata.
Sa isinagawang dalawang araw na oryentasyon, sumailalim ang mga kalahok sa mga sesyon na nakatuon sa pagkilala sa sarili, pagpapalalim ng ugnayan sa pamilya, pagtupad sa responsibilidad bilang ama at miyembro ng tahanan, pagbibigay-proteksiyon sa pamilya, at pagsusulong ng adbokasiya. Layunin nitong ihanda ang mga kalahok bilang mga tagapagtaguyod at huwaran ng responsableng pagiging ama sa kanilang mga tanggapan at komunidad.
Sa pamamagitan ng KaTropa MIMAROPA, inaasahan ng CPD na mas maraming kalalakihan ang magiging katuwang sa pagtataguyod ng responsableng pagiging magulang at sa pagbuo ng mga pamilyang matatag, mapayapa, at maunlad.
Source: PIA MIMAROPA