BOAC, Marinduque (PIA) — Ipatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) sa Balanacan Port Terminal ngayong Semana Santa upang mabawasan ang pagsisiksikan ng mga pasahero at mapabuti ang daloy ng biyahe.
Sa isinagawang Kapihan sa PIA forum noong Marso 24, sinabi ni PPA Terminal Manager Sherwin Reyes na kinakailangan nang magparehistro online ang mga pasahero bago sila makapasok sa pantalan at makasakay sa barko. Ayon sa kanya, pansamantalang solusyon ang ORAS habang wala pang sariling online booking system ang mga shipping line.
Ipinaliwanag ni Reyes na ang ORAS ay may tatlong hakbang: una, i-scan ang QR code o magtungo sa ORAS website upang magparehistro; ikalawa, piliin ang petsa at oras ng biyahe, punan ang form, at mag-upload ng valid ID o selfie para sa beripikasyon; at ikatlo, kumpirmahin ang reservation sa pamamagitan ng OTP na ipapadala sa email upang makuha ang ORAS pass.
Pinapayuhan ang mga pasahero na i-screenshot o i-print ang kanilang ORAS pass at ipakita ito sa validation area bago bumili ng tiket sa ferry. Mayroon ding itatalagang help desk para sa mga walk-in passenger, kabilang ang mga gumagamit ng basic phones, at magkakaroon ng priority lanes para sa senior citizens, persons with disabilities, at mga buntis.
Bahagi ang pagpapatupad ng ORAS ng mas pinaigting na hakbang ng PPA upang matiyak ang mas maayos, ligtas, at organisadong biyahe ng publiko sa isa sa pinakaabalang panahon ng paglalakbay sa taon.