LIPA CITY, Batangas — Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ₱5,000 fuel subsidy sa mahigit 1,050 tricycle drivers sa lungsod ng Lipa City nitong Marso 26. Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ng transportasyon, partikular sa mga tsuper na umaasa sa arawang pasada para sa kanilang kabuhayan.
Pinangunahan ni Rex Gatchalian ang ceremonial payout at binigyang-diin na ito ang kauna-unahang pamamahagi ng fuel subsidy sa labas ng Metro Manila. Ayon sa kalihim, mahalagang maiparating ang tulong sa mga lalawigan upang mas maraming drayber ang makinabang sa programa ng pamahalaan.

Tiniyak din ni Gatchalian na magpapatuloy ang distribusyon ng fuel subsidy sa iba pang bahagi ng bansa bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Aniya, layon ng inisyatiba na makatulong sa mga driver na lubhang naapektuhan ng mataas na gastusin sa operasyon.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Ralph Recto, Sony Angara, at Vince Dizon, na nanguna rin sa pagpapasinaya ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura sa lungsod bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang lokal na kaunlaran at serbisyo publiko.
Source: PIA Calabarzon