Patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Mabini, Batangas, katuwang ang pamahalaang panlalawigan at iba pang ahensya, sa pagpapaigting ng pangangalaga at rehabilitasyon ng yamang-dagat sa kanilang nasasakupan.
Isa sa mga pangunahing hakbang na inilunsad ay ang Build a Reef Program sa Barangay Solo, kung saan inilagay sa karagatan ang mga reef hollow block modules. Ang mga istrukturang ito ay magsisilbing artipisyal na tirahan ng mga isda at iba pang lamang-dagat, na makatutulong sa pagpaparami ng coral at pagbuhay muli sa mga nasirang bahura.
Ayon sa pamahalaang lokal, layunin ng programang ito na mapanumbalik ang sigla ng marine ecosystem na naapektuhan ng mapanirang pangingisda at mga kalamidad. Inaasahan din na magbibigay ito ng pangmatagalang benepisyo sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa seguridad sa pagkain ng komunidad.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at patuloy na pangangalaga, umaasa ang mga kinauukulan na muling sisigla ang yamang-dagat sa Mabini at magsisilbing modelo ng sustenableng pangisdaan sa rehiyon.
Source: Batangas News