Ipinapanukala ng CALABARZON Regional Development Council (RDC) ang pagsusuri sa 30 taong gulang na Local Government Code (RA 7160) upang mas maging angkop ito sa makabagong hamon sa pamamahala at pananalapi.

Ayon kay Lina Tanjuatco ng Sectoral Committee on Macroeconomy and Development Administration ng RDC, makatutulong ang pag-update ng batas sa malinaw na paghahati ng tungkulin ng pambansa at lokal na pamahalaan, pagpapalakas ng kakayahan ng LGUs na kumita, at pagpapatibay ng partisipasyon ng mamamayan. “Mahalaga ang pagbabago ng batas upang matugunan ang nagbabagong isyu sa pamamahala at pangangailangan ng publiko para sa mas epektibo at responsable na serbisyo,” ani Tanjuatco.

Kasabay nito ang pagpapalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa transisyon ng ilang tungkulin mula pambansa patungong lokal hanggang 2028. Sinimulan na rin ng Kongreso ang pagsusuri sa ilang probisyon ng LGC, kabilang ang House Bill 11287 na nagmumungkahi ng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan.

Suportado ng CALABARZON RDC ang konsultasyon upang maisama ang prayoridad ng rehiyon sa pagsusuri ng Local Government Code at palakasin ang kakayahan ng mga LGU.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *