Nagtapos nitong Sabado, Enero 10, ang Traslacion ng Poong Jesus Nazareno matapos makapasok sa Quiapo Church ang Andas makalipas ang halos 31 oras na prusisyon.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang mahigit 7.3 milyong deboto ang lumahok sa prusisyon ngayong taon. Sa pagdating ng Andas sa Quiapo, humigit-kumulang 1.4 milyong deboto ang nanatili sa lugar upang salubungin ito.

Dakong 10:43 ng umaga nang marating ng prusisyon ang Plaza Miranda, subalit nahirapang makapasok agad ang Andas sa simbahan dahil sa siksikan ng mga tao. Nanatili ito sa arko ng Quiapo Church nang halos isang oras bago tuluyang makapasok dakong 10:50 ng umaga Tumagal ang prusisyon nang 30 oras, 50 minuto, at isang segundo.

Dakong 4:35 ng umaga, pansamantalang pinahinto ng mga opisyal ng simbahan ang Andas sa Basilika ng San Sebastian matapos ang tradisyunal na Dungaw. Ito ang kauna-unahang naitalang pansamantalang paghinto ng Andas sa naturang lugar.

Ilang pagkaantala ang naranasan sa prusisyon dahil sa siksikan ng mga tao, napuputol na lubid, at mga insidente ng heat exhaustion, lalo na sa makikipot na lansangan tulad ng Carlos Palanca Street. May mga ulat din ng posibleng isyu sa gulong ng Andas, subalit ayon sa mga tagapamahala, naagapan ito dahil sa mga isinagawang structural upgrades kabilang ang four-wheel system, steering mechanism, at braking system.

Tatlo ang naitalang nasawi ngayong taon, kabilang ang isang photojournalist at dalawang debotong nasagasaan at natapakan sa mataong lugar. Mahigit 1,700 naman ang naitalang nasugatan, kung saan 29 ang patuloy na mino-monitor sa mga ospital. Karamihan sa mga kaso ay dahil sa heat exhaustion, pagkahilo, at minor na pinsala. Nakaantabay ang mga medical team mula sa Department of Health at Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa buong ruta ng prusisyon.

Tinahak ng Andas ang rutang Hidalgo Street, Quezon Boulevard, Carlos Palanca Street, Quezon Bridge, Villalobos Street, Plaza Miranda, at tuluyang pumasok sa Minor Basilica at Pambansang Dambana ng Poong Jesus Nazareno.

Ayon sa mga opisyal, magsasagawa ng post-event assessment upang mapabuti pa ang crowd control, emergency response, at mga hakbang sa kaligtasan sa mga susunod na Traslacion.

Source: https://mb.com.ph/2026/01/10/30-hour-traslacion-ends-in-historic-arrival#:~:text=The%20longest%20Traslacion%20ever%20recorded,of%20the%20largest%20in%20history.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *