Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapatupad ng general amnesty para sa mga may-ari ng negosyo, pribadong employer, at self-employed na Pilipino na may hindi nabayarang kontribusyon sa ahensya.

Inanunsyo ito ng Pangulo sa isang video message nitong Huwebes, Enero 8, 2026. Ayon sa kanya, bibigyan ng isang taon ang mga employer upang mabayaran ang lahat ng hindi naihulog na kontribusyon mula 2013 hanggang 2024.

Kasabay nito, ipatutupad ng PhilHealth ang isang beses na pagpapatawad sa interes para sa taong ito, bilang tugon sa aniya’y bigat na nararamdaman ng publiko sa buwanang tatlong porsiyentong kontribusyon.

Tinatayang aabot sa 300,000 indibidwal ang makikinabang sa general amnesty, ayon sa Pangulo.

Hinimok din ni Marcos ang mga employer na i-update ang kanilang mga rekord at irehistro ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), isang pinalakas na primary care benefit package na nakatuon sa preventive at promotive healthcare.

Layunin ng hakbang, ayon sa Pangulo, na mabawasan ang pasanin ng gastusing pangkalusugan ng mga Pilipino at makatulong sa pagtugon sa iba’t ibang hamong kanilang kinahaharap araw-araw.

Source: https://mb.com.ph/2026/01/08/marcos-grants-amnesty-to-employers-self-employed-with-unpaid-philhealth-contributions

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *