Bilang pagkilala at malasakit sa sariling mga lingkod-bayan na tumutugon sa pangangailangan ng iba sa gitna ng sakuna, ipinamamahagi ng DSWD Bicol, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, ang tulong sa 227 na kawani ng ahensya sa Masbate na naapektuhan ng pananalasa ni bagyong #OpongPH.

Isinagawa ang pamamahagi nitong Oktubre 11, 2025, sa Masbate Grandstand bilang isang inisyatiba na tinatawag na Caring for the Carers na nagbibigay suporta sa mga kawani ng DSWD na naging biktima rin ng kalamidad habang patuloy na naglilingkod sa kanilang kapwa.

Sa kabuuan, 17 kawani na nagtamo ng lubos na pinsala sa kanilang mga tahanan (totally damaged households) ang nabigyan ng food at non-food items kabilang ang: hygiene kit, water jug, malong, kitchen kit, family kit, kulambo at dalawang Family Food Packs (FFPs)

Samantala, 210 kawani na may bahagyang nasirang tahanan (partially damaged households) ang nabigyan ng tig-dalawang Family Food Packs bilang agarang tulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ang hakbanging ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking “walang maiiwan sa panahon ng sakuna”, at bilang tugon sa panawagan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian para sa tuluy-tuloy at inklusibong pagtulong sa lahat ng nasalanta kabilang na ang sariling mga kawani ng ahensya.

Ang bawat tulong na naiparating ay patunay na sa DSWD Bawat Buhay ay Mahalaga, kabilang ang buhay at kapakanan ng mga taong nagsisilbi para sa mas nakararami.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *